Ronaldo E. Manago

Nagsimula sa paglilihi ang aking tungkulin Ikaw ay pakaiingatan at tuwina’y mamahalin Lahat nang ginagawa’y para sa bunso kong giliw Tumanda man ako’y pag-ibig di magmamaliw
Bawat pagbabago sa sinapupunan ko’y tanda Pagsipa’t pagsiko mo dulot saki’y tuwa Sa iyong paggalaw ako’y nababahala Baka ika’y nagugutom o kaya’y nababalisa
Maging sa sasakyan ika’y iniingatan Sa bawat pagyugyog ako’y nagugulimihanan Sa usok ng sigarilyo’t nakabibinging ingay Ikaw ay iniiwas upang lumalaking matibay
Mga pagkain at bitamina na iyong kailangan Sinisikap maiparating sa iyong murang katawan Lahat ng payo ng mediko’y laging tinatandaan Tapat na sinusunod at di kinalilimutan
Kahit nasa sinapupunan pa kami’y nanabik Makita ang mukha mo,anyo, at hugis Kaya’t gamit ang agham ikaw ay aming sinilip Nang mukha mo’y nakita dibdib ko’y nagtahip
Dumating ang takdang oras ng ‘yong pagsilang Lubhang napakakirot aking nararamdaman Pilit kong pinipigil ang iyong pagdatal Sapagkat di pa takda ang ‘yong buwan at araw
Anuman aming gawin ika’y lubhang malakas Kaya mga duktor ay nagpasya nang ika’y ilabas Bagaman natatakot kami kay Yahweh ay nagtiwala At ang pagiging ina ko’y maituturing na himala
Download a copy here: