“Si Marcia at ang Pisarang May Mahika!” Kuwento ni Jennifer Meneses-Pagdanganan

“Si Marcia at ang Pisarang May Mahika!” Kuwento ni Jennifer Meneses-Pagdanganan

Sharing is caring!

Si Marcia at ang Pisarang May Mahika!

ni: Jennifer Meneses-Pagdanganan, Teacher III
Marcelo H. Del Pilar National High School
City of Malolos, Bulacan

“Inay! Ilang araw na nga lang po ba bago ang pasukan?”, tanong ng munting bata sa kanyang ina na noo’y abala sa paghahanda ng almusal.
“Naku, sa isang linggo na!, Kaya ikaw ay magsimula ng mag-ayos ng mga gamit pampaaralan mo”, wika naman ng ina.

abc books chalk chalkboard
Photo by Pixabay on Pexels.com


“Argh! Hindi ko na po yata mahintay ang ilang araw pa inay, tila ako’y inip na”, dugtong naman ng musmos na bata.


Si Marcia, ang munti at bibong bata ay limang taong gulang na at nakalista sa klase ni Ginang Jimenez, guro sa kindergarten. Labis ang pananabik ni Marcia sa unang araw ng kanilang klase. Nalaman kasi niya
sa kanyang mga pinsan na masaya sa paaralan, naririnig niya ito sa mga kwentuhan nila kung gaano sila kasaya tuwinang sila ay umaawit, sumasayaw at bumibilang at ang lahat ng iyon ay ibig niya ring
maranasan. Ilang raw na rin niyang kinukulit ang kanyang inay, tinatanong kung ilang araw na lang ba bago ang kanilang unang paghaharap ng kanyang mga kaklase at guro.

Bukambibig ang pananabik niyang pumasok sa klase ni Ginang Jimenez, ultimo sa panaginip ay bitbit niya ito. At dumating na nga ang pinakahihintay ni Marcia! Ang unang araw niya sa kanyang klase!

“ Inay!, handa na po ako, tayo na po!”, ang aya niya sa kanyang ina. “ Sandali lamang at inaayos ko pa ang iyong baon”, wika ng kanyang ina habang isinisilid sa maliit na bag ang inumin at pagkain ni Marcia.

“O ayan, handa na, halika na at baka ikaw ay mahuli pa”, dugtong naman nito. Tuwang tuwa ang batang si Marcia habang naglalakad papasok, ito ay ang kanyang unang araw sa eskwela.

Bakas sa kaniyang mga ngiti ang kasiyahan lalo na ng masilip niya ang makulay na pasukan ng paaralan.


“Aha inay! Nasa paaralan na ako! Mukhang masaya sa aming paaralan inay!”, sambit niya.


“Tiyak akong magiging masaya rin ang araw mo dito anak, ihahatid lang kita sa iyong silid-aralan at pagkatapos ay hihintayin na lamang kita sa labas sa oras ng iyong uwian”, ang bilin ng kaniyang inay.


Nakangiting tumango si Marcia bilang tugon sa habilin ng ina. Kagabi pa lamang habang siya ay pinupunasan ay sinabi na ni Marcia sa kanyang ina na maaari na itong umalis pagkahatid sa kaniya sa paaralan. Sunduin na lamang kapag uwian na. Nagalak naman ang ina sa kagustuhan ng anak sapagkat hindi ito gaya ng ibang bata na ayaw magpaiwan sa loob ng silid aralan.


Sa loob ng silid-aralan ay nakakuha si Marcia ng upuan sa harapan. Pinagmasdan niya ang kabuuan ng silid. Tunay na malinis, maayos at kahali-halina sa mata! Ang mga dingding ay makukulay, iba-iba ang makikita. Mayroon pang mga luntiang halaman sa paligid na maingat na nakasaayos. Ang mga upuan ay nakahilera din. Bawat hanay ay may kulay din. Napakaraming aklat, na maingat ding isinalansan. Ang mesa ng kanyang guro ay may palamuti din, katabi nito ang isang kabinet na may lamang maraming laruan, mayroon ding mga instrumento na maaari nilang patugtugin.

Mas lalong nadagdagan ang kaniyang pananabik. Ngunit higit na napukaw ang kaniyang atensyon sa kulay dilaw na kurtinang nakatabing sa kaniyang harapan. Ano nga kaya ang nasa likod nito?


Unti-unti na silang nadagdagan sa kanilang silid. Hanggang sa ang lahat ng kaniyang kaklase ay nasa kanila ng mga upuan. Nagsimula na ang kanilang guro.


“Magandang umaga mga bata, ako ay si Ginang Jimenez, ang inyong guro, handa na ba kayong matuto?”, pagsisimula ng kaniyang guro sa kindergarten. “Opo”, ang sabayang wika ng mga mag-aaral, na may malakas na tinig.
At inumpisahan na nga ang kanilang masayang pag-aaral.

close up of girl writing
Photo by Pixabay on Pexels.com

Sa isip ni Marcia, “tama ang aking mga pinsan, masaya ang umawit, sumayaw at bumilang kasama ng aking guro at mga bagong kaibigan”. Lalo na ng hawiin ng kaniyang guro ang kurtina!


Namangha si Marcia sa kaniyang nakita! “Anong hiwaga mayroon ang pisara?”, usal niya sa kaniyang isip.


Napakaraming bagay ang nakalagay at nakasulat dito. Ang ganda ng sulat-kamay ng kaniyang guro! Tila nagsasayaw ang mga titik at inaaya siyang magbasa. Ang mga bilang naman mula 0 hanggang 10 ay may katumbas na mga larawan sa gilid, may larawan ng prutas, hayop, gulay at maging mga gamit sa bahay.


Nandoroon din ang aming larawan, sa ilalim pa nga noon ay ang aming pangalan. At marami pang iba. Nakatutuwang pagmasdan ang aming pisara! Parang ito, para sa akin ay may mahika! Paanong sa simpleng pagtingin namin ay napakarami na naming mahahalagang natutunan, kahit saglit lang. Para itong kumikinang tuwinang kami ay nadaragdagan ng kaalaman. Nakamamangha itong pagmasdan lalo na at bukas ay may hatid itong bagong sorpresa at kaalaman!


Krinngggg. Tumunog na ang bell. Hudyat na tapos na ang klase. Ang mga bata ay nag uunahan na sa paglabas ng pintuan. Lumingap si Marcia upang hanapin ang kaniyang ina.

”Inay!”, tawag niya habang kinakawayan ang ina. Masaya namang sinalubong siya ng kaniyang ina.

“O ano?, kumusta ang unang araw mo sa kalse?”, tanong ng ina.

“Inay, napakasaya ko po! Umawit kami, sumayaw at bumilang. Saka inay ang pisara ni Ginang Jimenez, may mahika!”, buong galak na kwento ni Marcia sa kaniyang ina.


Nangiti ang ina sa kwento ng kaniyang anak. Walang pagsidlan ang kaniyang kaligayahan sa natamong karanasan sa unang araw sa paaralan. At alam niyang marami pang ikukwento si Marcia sa darating na
mga araw, tungkol sa kanilang pisarang may mahika!

Download here:

Leave a Reply

shares
%d bloggers like this: