Sa Kalabang Hindi Nakikita

ni: Jennifer Meneses-Pagdanganan, Teacher III
Marcelo H. Del Pilar National High School
City of Malolos, Bulacan
Hindi ko nakita ang bayan kong ganito katahimik
Nabalot ng pangamba, takot ay sumiksik
Nabigla, nanabik, nawalan ng imik
Pananalig at pananampalataya ay muling naibalik
Nagulat ang mundo sa iyong pagdating
Sana ang paglisan mo ay mabilis din
Ang panganib na dulot mo ay kay hirap tanggapin
Pakiusap, tumigil na, takot namin ay pawiin.
Lumitaw kang hindi inasahan ng lahat
Hindi handa, sa kaalaman ay salat
Hindi alam kung ang nasinop ba ay sasapat
Maging kung hanggang kailan mag-iingat
Isang virus ka lang, napakaliit kung tutuusin
Ngunit ang taglay mo ay di dapat maliitin
Ang sandaigdigan ay nagdusa, naparalisa
Sapagkat tiyak na kamatayan ang iyong dala
Hindi ka nakikita, nadidinig, nadarama
Ngunit kay bagsik, parang lason ka pala
Sandaling magkamali, buhay ay mawawala
Huwag na malingat, igugupo mong bigla
inagbuklod ng panahong ito ang lahat sa mundo
Nagkaisa at nagtulungan, mga bansang apektado
Anumang lahi at kulay hindi sa iyo nakaligtas
Sana sa madaling panahon, ikaw na ay magwakas
Nabigyan mo ng oras ang pagsasama ng pamilya
Kumain, humalakhak, nagdasal ng sama sama
Natuklasan ang mga bagay na noo’y hindi alintana
Sapagkat sa maraming bagay, sila ay naging abala
Namulat din ang mata ng mga nasasakop
Sa tunay na may malasakit sa mga nagdarahop
Ang iba ay nagbibigay ng hindi lantad, hindi hayag
Samantalang ang ilan, pati batas ng Diyos ay nilabag
Ang ingay, usok, at dumi ng aming mundo
Bahagyang nabawasan kung hindi man nahinto
Ito ba ay paraan mo upang mapahinga kahit saglit lang
Yaring nanganganib na Inang Kalikasan
COVID 19, pandemya ka kung ituring,
walang nakakaalam san ka nga ba talaga galling
Kalaban kang hindi nakikita ng mata,
kahit gamitin alinman sa pandama
Ang bakas na dinulot mo ay hindi malilimutan
Buhay kaming saksi ng karanasang pinamalas mo sa sangkatauhan.
DOWNLOAD HERE: