TULANG PAMBATA: TARANGKAHAN ni ROMELA M. NAVARRO

Sharing is caring!

Ang aking anak na bunso na si Ma.Ysa Viella ang nagbigay sa akin ng
inspirasyon upang maisulat ang simpleng tula na ito. Ako ay humahanga sa disiplina
na ipinamamalas niya bagamat mahigit nang isang buwan na hindi siya nakakalabas
ng aming tarangkahan ay positibong pag-uugali pa rin ang kanyang ipinamamalas , sa kabila ng kanyang murang edad na pitong taong gulang pa lamang.
Mahirap para sa kanyang edad ang walang kalaro lalo na siya ay isang aktibo at
masayahing bata at malayo ang agwat ng kanyang edad sa kanyang mga dalagitang ate.

Marami pang mga batang katulad ng aking bunso . Naghihintay ng araw na malaya na
sila muling makakapasyal , makakatakbo at makapaglalaro sa daan kasama ang
kanilang mga kalaro at kaibigan . Mga batang patuloy na umaasam na tayo ay lisanin na ng COVID19.

TARANGKAHAN
ni ROMELA M. NAVARRO ng DINALUPIHAN ELEMENTARY SCHOOL

Dilat , mulat, pikit ,kurap
Tihaya , tagilid , tatalon , kakandirit
Sisilip sa pinto , tahimik ang paligid
Wala ang mga kalarong aali- aligid.

Lundag , lundag hanggang tarangkahan,
Hindi pwedeng lumagpas
Silip silip lamang sa rehas.
Wala talagang kalarong lumalabas

Balik sa loob , punta sa kusina
Me niluto si Nanay sardinas na lumpiya,
Sardinas kahapon ,na nilagyan ng bihon.
Bukas ay sardinas naman na nilagyan ng dahon.

Nakatakip ng maskara ang bibig at ilong ,
Araw ng pagbili sa palengke ngayon,
Hatid- tanaw ko si Nanay hanggang tarangkahan ,
Sana ay bumili siya ng tinapay at palaman.

Ikot, ikot sa sala , kuwarto at kusina ,
Gumuhit kaya ako ng masasayang mukha?
O matulog ulit upang managinip ,
Isip isip, hanggang makaidlip .
Balik balik sa tarangkahang nakapinid,
Sa aking mga kalaro ay sabik na sabik ,
Hinto , hinto sa bakal na pinto
Sa may tarangkahan ay patago-tago.

Sumusunod sa utos at batas
Sa loob ng tahanan ako ay ligtas,
Sa aming tarangkahan ay hindi lalagpas
Epidemyang dumating ay tiyak na lilipas.

DOWNLOAD PDF FILE here:

Leave a Reply