Inisa-isa ni Nanay (Isang Tulang Pambata)
ni Beverly Wico Siy
Inisa-isa ni Nanay
Ang mga daliri ko sa kamay.
Mahaba at pinakapunggok,
Sinisipsip hanggang mangulubot
Itong si hinlalaking nag-aaprub!
Samantala, ang pinaka-adventurous:
Si Hintuturong makulit at malikot,
Butas man ng ilong ay kanyang pinapasok!
Pinakamatangkad at laging number three
Ang hinlalatong ubod ng friendly.
Gusto niyang lagi ang may katabi.
Kasunod nito ang daliring pinakatahimik.
Kahit pa anong gawing pagpitik,
Itong si palasingsingan ay hindi iimik.
At ang pinakakyut sa kanila
si hinliliit na unang-una sa pila,
at sumasagot sa tawag na “isa.”
Ang kanyang mga akda ay nailathala na sa mga publikasyon sa loob at labas ng akademya. Ilang beses siyang nanalo sa mga patimpalak sa unibersidad noong college days niya at, finally, nakasungkit siya ng karangalang-banggit sa Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 2002 at Filipino Readers Choice Award Essay Anthology noong 2012.
Naging fellow na si Bebang sa UP at UST Writers Workshops at naging aktibong bahagi ng pamunuan ng UP Writers Club, LIRA, UMPIL at FWGP.
Nag-aaral ng Panitikang Filipino si Bebang sa Filipino Department ng UP Diliman at masugid siyang copyright advocate para sa mga manunulat na Filipino.
Sa kasalukuyan, isa siyang freelancer na manunulat, editor, proofreader, tagapagsalin at tagapagsalita sa mga writing workshop at book event. Isa rin siya sa mga mananaliksik ng panitikan.ph. Maaaring makipag-ugnayan sa kanya sa beverlysiy@gmail.com o sa 0919-3175708.
Bibliyograpiya:
Mingaw (sa ilalim ng sagisag-panulat na Frida Mujer), Philsprint Publishing, 2006.
It’s A Mens World, Anvil Publishing, 2011.
Marne Marino, Vibal Publishing, 2013.
Nuno sa Puso I at II, Visprint, Inc., 2014.
It’s Raining Mens, Anvil Publishing, 2014.
(Panitikan.ph)