Mga Tula at Guhit ni John August M. Tazon tungkol sa COVID-19

Sharing is caring!

Fish Mask: Tagasagip ng Pag-asa
Acrylic on Canvas
50cm x 60 cm
2020

Fish Mask: Tagasagip ng Pag-asa

Halos isang buwan na rin ang nakakalipas,
Nang magsimulang lumaban sa hangin na nakaalpas.
Hindi nakikita ng ating mga mata.
Kaya nagagawang bulagin ang bawat isa.

Isa-isang kumalat at tuluyang dumami,
Palipat-lipat, pasalin-salin ang kamay ang umani.
Kaya nagsimulang, kumilos ang lahat.
Upang matakpan ang nag-uumpisang lamat.

Ibinaba sa lupa ang mga gagabay,
Upang maputol ang patuloy na paglalakbay,
Sakit na sumisira pati sa samahan,
Dumudurog sa nalalapit na kinabukasan.

Kaya kanilang hiling sa atin, mga kababayan,
Sundin ang alituntunin at mga patakaran.
Malalagpasan natin kung magtutulungan,
Upang hindi mapahamak, krisi ay mawakasan.

Saludo at pasasalamat ang nais kong ipaabot.
Sa inyong mga nagsisilbi kahit mayroong takot.
Daop palad kong sa Maykapal ay idinadalangin.
Tagasagip ng Pag-asa, proteksyon ay huwag alisin.

Babalik Ako, Mayayakap din Kita

Patawad anak kung kailangan kong umalis,
Ang aking sinumpaan ay hindi matitiis,
Upang masigurado na ika’y maging ligtas,
Patawad anak kung wala ako bukas.

Sana’y maintindihan kung hindi kita mayakap,
Sa mga sandaling dumidilim ang ulap,
Kung alam mo lang kung gaano kasakit,
Ang bawat araw na pinipilit kong pumikit.

Ninanais kong matapos na ang pandemya,
Upang sa gayo’y muli na tayong magkita,
Tanging dalangin ko sa Poong Lumikha,
Matapos na ang hapis at mga luha.

Ngunit sa mata ng ila’y minsan ako’y lumiliit,
Sa pag-ilag sa amin na inaakalang maysakit,
Patawad at hindi namin ito ginusto,
Kaya sana, huwag ganito ang maging trato.

Kaya anak, huwag ka mawawalan ng pag-asa,
Ginagawa ko ito upang muli kang sumaya,
Makapaglaro at makapag-aral sa eskwela,
Konting tiis na lang mayayakap na din kita.

Ako si John August M. Tazon, isang guro sa munting bayan ng Dolores, Quezon sa paanan ng Bundok Banahaw. Mahilig kumatha ng tula kasabay ng pagguhit din nito. Sa napapanahong sitwasyon ay nag-aalay ako ng dalawa sa aking mga gawa upang malaman na din ng mga tao ang sakripisyo ng mga Frontliners. Umaasa po ako na sa pamamagitan nito ay mamulat ang bawat isa at makipagtulungan upang tuluyan na mating masugpo ang Covid19.

Ilike ang FB Page Dep-Ed Storybook Org at magsubscribe sa website http://www.depedstorybooklovers.com.

Leave a Reply

shares
%d bloggers like this: